Hadith- ang literal nitong kahulugan ay ang kasabihan o ang pagtatalakayan, subalit sa Islamikong pananaw ito ay tumutukoy sa mga salita, pinahintulutang o sinang-ayunang mga gawain, ginawa ng Propeta Muhammadr na isinalaysay ng kanyang mga Sahaabah (kasamahan) at nakolekta bilang mga aklat ng mga maalam na sumunod sa kanila.
Halimbawa ng Hadeeth:
حدثنا مسدد قال حدثنا يحي عن شعبة عن قتادة عن أنس عن النبي r قال: (( لا يؤمن أحدكم حتى يحب لأخيه ما يحب لنفسه )) رواه البخاري
Hhad-da-tha-na musad-dadun qa-la hhad-da-tha-na yahya ‘an shu’a-bah ‘an qa-taa-dah ‘an anas ‘anin nabiy-yi (sallallahu alayhiwa sallam) qa-la: la yu’mi-nu aha-du-kum hhat-ta yu-hhib-ba li-a-khi-hi ma yu-hhib-bu li-naf-sih. Ra-wa-hul bu-kharee
Sinabi sa amin ni Musaddad na sinabi sa kanya ni Yahya na sinabi naman niya ito mula kay Shu’bah mula kay Qataadah, na narinig niya kay Anas na sinabi ng Propeta Muhammadr na: “Hindi kayo magiging tunay na mananampalataya hangga’t hindi ninyo ninais sa inyong mga kapatid ang mga bagay na ninais ninyo sa inyong mga sarili. Kinolekta ni Al-Bukharee
Ito ay nangangahulugan na ang hadith na: “Hindi kayo magiging tunay na mananampalataya hangga’t hindi ninyo ninais sa inyong mga kapatid ang mga bagay na ninais ninyo sa inyong mga sarili” ay kinulekta ng isang iskolar ng Hadith na si Muhammad Ibn Ismail al-Bukhari sa aklat niyang tinawag na Saheeh Al-Bukharee, na narinig niya sa kanyang tagapagturo ng hadith na si Musaddad, na narinig naman niya sa kanyang gurong si Yahya, na sinabihan ng kanyang gurong si Shu’bah na narinig naman ito sa kanyang gurong si Qataadah, na estudyante naman ni Anas na kasamahan ng Propeta na nakarinig sa sinabi ng Propeta Muhammadr tungkol sa hadith na ito.
Ang Dalawang Bahagi ng Hadith
1.) السند —As-Sanad—ito ay ang listahan ng mga pangalan ng nagsalaysay ng mga sinabi o ginawa ng Propeta Muhammadr.
Bilang halimbawa, ang sanad sa nabanggit na hadith ay: Sinabi sa amin ni Musaddad na sinabi sa kanya ni Yahya na sinabi naman niya ito mula kay Shu’bah mula kay Qataadah, na narinig niya kay Anas na sinabi ng Propeta Muhammadr
2.) المتن —Al-Matn—ito naman ay ang nilalaman ng hadith
Bilang halimbawa, ang matn sa nabanggit na Hadith ay: “Hindi kayo magiging tunay na mananampalataya hangga’t hindi ninyo ninais sa inyong mga kapatid ang mga bagay na ninais ninyo sa inyong mga sarili.
URI NG HADITH
Ang Hadith ay nahahati sa dalawang malaking kategorya:
i. Hadith Saheeh
ii. Hadith Da’eef
HADITH SAHEEH
Kung ang lahat ng mga tagapagsalaysay ay nakapasa at nakaabotsa tatlong kondisyon, ang Hadith ay ituturing na awtentibong salita o gawa ng Propeta Muhammadr at tatawaging Saheeh. Nangangahulugan ito na tayo ay nakakasiguro na ang Hadith na nabangit ay tunay na sinabi at isinagawa o inayunan ng Propetar.
I. Ang mga tagapagsalaysay ay kilalang mabuti, matuwid at makatotohanang tao
II. Kinakailangang sila ay may matalas na memorya, o kaya ay naisulat nila at naitala ang kanilang narinig.
III. Kinakailangang nakita at nakasalamuha nila ng personal ang isa’t isa.
Ang ganitong klase ng Hadith na nakapasa ang mga tagapagsalaysay ay maaaring magamit upang patunayan ang isang Islamikong batas na kinakailangang sundin at ipamuhay. Ang Hadith ang itinuturing na pangalawang pinaka-importanteng pinagkukunan ng mga Islamikong batas at ang mga tunay na mananampalataya ay dapat itong sundin at ipamuhay. Sinabi ng Allah sa Banal na Qur’an:
Wa maa a-taa-ku-mur ra-su-lu fa-khu-dhu-hu, wa ma na-ha-kum fan-ta-hu
“Anuman ang ibigay (ipag-utos) sa inyo ng mensahero, tanggapin (sundin) ninyo ito at kung anuman ang ipinagbawal niya sa inyo, iwasan ninyo ito. Hashr (59): 7
Ang natatanging paraan upang maisakatuparan natin ang pagsunodsa kautusan ng ating Tagapaglikha ay ang mapag-aralan natin ang mga Hadith ng Propetar at maisapamuhay natin ang mga ito.
Ang unang Hadith na ating binasa ay maituturing na isang Hadith Saheeh na nagtuturo sa ating mga Muslim ng tungkol sa Paniniwala (Iman). Ang tunay na paniniwala sa Allah ang siyang magtutulak sa isang mananampalataya upang tratuhin niya nang mabuti at tama ang kanyang kapatid sa pananampalataya. Ang bawat tao ay natural lamang na magnais na tratuhin siya ng tama at mabuti, kaya nga naman, ang tama at mabuting pagtrato sa isang tao ay isang mahalagang parte ng isang komportable, maaliwalas at maayos na pamumuhay. Ito ay nagsasanhi upang tumubo at lumago ang pagmamahal, tiwala, respeto at ang marami pang mabubuting karakter sa isang tao. Upang ating maitatag ang isang mabuting ugnayan sa pagitan nating mga tao, mahigpit na ipinag-uutos ng Islam sa mga Muslim na tratuhin ang ibang tao sa pamamaraan na gusto nilang tratuhin sila ng ibang tao.
Kinulekta ni Al-Bukharee mula kay Muhammad ibn al-Muthanna, mula kay Abdul-Wahhab, mula kay Ayoub, mula kay Abu Qilaabah, mula kay Malik na nagsalaysay na sinabi ng Propeta Muhammadr: “Magdasal kayo sa pamamaraan na nakita ninyo sa akin”. (Saheeh Al-Bukharee [Arabic-English], vol. 1 p.345, no. 604)
Ang Hadith na nabanggit ay nakapasa sa mga pamantayang isinaad upang maituring na Saheeh. Ang punto na nais tukuyin ayon sa batas ng Islam ay tungkol sa pagdarasal na kinakailangang nakaayon sa isinagawa ng Propetar. Ang mga Muslim ay hindipinapahintulutan na manalangin sa pamamagitan ng kanilang sariling estilo, dahil ito ay hindi lamang nagpapakita ng pagsuway sa Propetar bagkus ito ay magbubunsod din ng kalituhan sa mga nagdarasal. Kaya upang malaman at mabatid natin ang tamang pamamaraan ng pananalangin ng Propetar, kinakailangan nating basahin ang mga awtentibong aklat ng Hadith.
HADITH DA’EEF
Kung ang alinman sa mga tagapagsalaysay ay nabatid na may katangian ng mga sumusunod na depekto, ang Hadith ay maituturing bilang hindi kapani-paniwala at tatawaging Da’eef:
I. Ang tagapagsalaysay ay kilala bilang isang sinungaling na tao
II. Ang tagapagsalaysay ay kilala bilang may mahinang memorya
III. Ang tagapagsalaysay ay hindi nakita o nakasama’t nakasalamuha ang tao na sinasabi niyang pinagkuhanan niya ng hadith.
Ang Hadith Da’eef ay hindi totoong sinabi o ginawa ng Propetarat hindi maaaring gamitin upang patunayan ang isang Islamikong batas. Ang anumang batas na nakabasa sa ganitong klase ng hadith ay itinuturing na hindi tama at walang katotohanan.
Bilang halimbawa, ang mga iskolar ng hadith na sina Abu Dawood at Ahmad ay nakakolekta nang isang salaysay mula kay Hafs ibn Ghayyaath na nagsabi ng salaysay mula kay Abdur-Rahman ibn Is-haaq mula kay Ziyaad ibn Zayd mula kay Abu Juhayfah na sinabi raw ni Ali Ibn Abee Talib na: “Ang Sunnah ng posisyon ng mga kamay sa Salah ay ipapatong ang isang kamay sa ibabaw ng isang kamay sa may bandang ibaba ng pusod”. Subalit ang hadith na ito ay itinuturing na Da’eef dahil si Abdur-Rahman ay kilala bilang isang sinungaling na tao. Kaya naman, ito ay hindimaaaring gamiting suporta nang paglalagay ng mga kamay sa may bandang ibaba ng pusod. Ang tamang pamamaraan ay ang isa naisinalaysay ni Taawoos sa isang Hadith na Saheeh. Sinabi niya nasa Salah ng Propetar, inilalagay niya ang kanyang kanang kamay sa ibabaw ng kanyang kaliwang kamay at ipapatong niya ito sa kanyang dibdib. Ang hadith na ito ay nakulekta rin Abu Dawood at ni Ahmad ganundin si Ibn Khuzaymah. Ganunpaman, ang pagpapatong ng kamay sa may ibaba ng pusod o sa mismong pusod ay hindi naman nakakasira ng Salah.
Isinalaysay ni Al-Hasan ibn ‘Ateeyah mula kay Abu ‘Aatikah mula kay Anas na sinabi ng Propeta Muhammadr: Magsaliksik kayo ng kaalaman, kahit sa China”. Ang hadith na ito ay kinulekta ng mga iskolar ng Hadith na sina Ibn ‘Adee at Abu Nu’aym. Bagama’t ito ay pangkaraniwang naririnig at kilalang-kilala sa mga Muslim, ito naman ay hindi wasto o tama.
Si Abu ‘Aatikah ay naakusahan ng panghuhuwad o pagpapasilpikasa mga Hadith, kaya ang salaysay na ito ay maituturing na Da’eef.Sa katotohanan, ito ay inihanay ng mga iskolar ng hadith sa espesyal na kategorya nang hadith da’eef na tinatawag naMawdoo (gawa-gawa lamang). Kaya naman, hindi tama na banggitin ang salaysay na ito bilang hadith na mula sa Propetar, dahil marami sa kasamahan ng Propetar ang nagsabi na sinabi ng Propetar: “Sinuman ang sinadyang magsinungaling ng tungkol sa akin ay sa Impiyerno mauupo”. (Bukharee & Muslim)
As-Saheeh As-Sit-tah- ang pinakakilala at tanyag na mga aklat ng Hadith
I. Saheeh Al-Bukharee
II. Saheeh, Muslim
III. Sunan Abu Dawood
IV. Sunan At-Tirmidhee
V. Sunan an-Nasaa’ee
VI. Sunan Ibn Majaah
Muwatta ni Imam Malik- ang pinakalumang koleksiyon ng Hadith na nakarating sa atin.
Musnad ni Imam Ahmad- ang pinakamadaming koleksiyon ng Hadith
Saheeh Al-Bukharee – ang pinaka-awtentibong koleksiyong ng mga Hadith
Saheeh Muslim – ang pangalawang pinaka-awtentibong koleksiyon ng mga Hadith
Ang isang Muslim ay malayang bumanggit ng anumang hadith nanakasulat sa Saheeh Al-Bukharee at Saheeh Muslim, dahil ito ang mga pinaka-awtentibo. Ang ibang mga sumunod na mga koleksiyon ng Hadith ay naglalaman ng ilang mga hindi mapagkakatiwalang mga salaysay na hindi maaaring gamitin bilang ebidensiya ng sinuman. Kaya naman, ang mga Hadith na kinilala at itinuring ng mga iskolar ng hadith bilang awtentibong salaysay mula sa ibang mga aklat ay siya lamang maaaring gamitin. Dapat ding mabatid na ang mga makabagong aklat ng hadith ay bumanggit lamang sa huling tagapagsalaysay pagkatapos ng Propeta Muhammadr kapag babanggit ng hadith upang makatipid sa espasyo at sa oras.
ANG MGA ISKOLAR NG HADITH
Muhammad ibn Ismail al-Bukharee
Isinilang noong taong 810 C.E. (Christian Era). Siya ay tinawag naBukharee sa kadahilanang siya ay isinilang sa Lungsod ng Bukhaaraa, na ngayon ay bahagi ng Uzbekistan sa Russia. Siya ay nagsimulang mag-aral ng Hadith sa nakapamurang edad na 10 (sampu) taon. Ang kanyang amang si Ismail ay isa ring iskolar ng Hadith na nakapag-aral sa ilang mga kilala at bantog na iskolar ng Hadith katulad nina Malik ibn Anas at Hammad ibn Zayd. Si Bukharee ay naglakbay sa iba’t ibang lugar ng mga Muslim sa pangongolekta ng mga Hadith at pagkatapos ay binuo niya ang kanyang bantog na koleksiyon ng mga Hadith na tinatawag na Al-Jaami’ al-Musnad as-Saheeh na ngayon ay kilala bilangSaheeh al-Bukharee. Ito ay naglalaman ng 2,602 mga Hadith na pinili niya mula sa ilang libong Hadith na kanyang namemorya. Siya ay namatay sa Samarkand, Uzbekistan sa taong 870 C.E. sa edad na 60 taon. Ang Saheeh al-Bukharee ay itinuturing ng mga Muslim scholars bilang pinaka-awtentibong aklat ng Islam pagkatapos ngBanal na Qur’an.
Muslim ibn al-Hajjaj Al Qushayree
Siya ay tinatawag na Imam Muslim. Siya ay isinilang noong taong 817 C.E. sa lungsod ng Nishapur, Iran. Siya ay nagsimulang mag-aral ng Hadith sa edad na 15 taon. Naglakbay patungong Iraq, Hijaaz (kanlurang bahagi ng Arabia), Syria at Egypt upang mag-aralsa ilalim ng mga kilalang iskolar ng Hadith tulad nila Bukharee, Ahmad ibn Hanbal atbp. Natipon niya ang may 9,200 na mga Hadith sa isang aklat na tinawag niyang al-Musnad as-Saheeh,na ngayon ay tinatawag na Saheeh Muslim. Ito naman ay itinuturing ng mga Muslim scholars bilang pinakatama at mapagkakatiwalaan pagkatapos ng kay al-Bukharee. Si Imam Muslim ay namatay sa lugar ng kanyang kapanganakan noong 875 C.E. sa edad na 58 taon.
Sulayman ibn al-Ash’ath as-Sijistaanee
Siya ay ang tinatawag na Abu Dawood. Siya ay isinilang noong 202 Hijrah/ 818 C.E. Nag-aral ng Hadith kay Imam Ahmad kasamani al-Bukharee. Pinili naman niya ang 4,800 na mga Hadith mula sa 500,000 na kanyang nalikom at isinulat ito bilang isang aklat na tinawag niyang Sunan Abu Dawood. Siya ay namatay sa taong 275H/ 889C.E.
Muhammad ibn Eesa ibn Saurah
Siya ay si At-Tirmidhee. Siya ay isinilang sa Tirmidh na ngayon ay tinatawag na Termez sa timog na bahagi ng Uzbekistan na malapit sa hilagang hangganan ng Afghanistan. Siya ay nag-aral ng Hadith kina Imam al-Bukharee at Abu Dawood at ganundin sa kanilang mga guro. Tinipon ni At-Tirmidhee ang may 4,000 na mga Hadithsa isang aklat na tinawag niyang Al-Jaami’, na ngayon ay kilala bilang Sunan at-Tirmidhee. Malaki rin ang kanyang nai-ambag sasiensiya ukol sa pag-aanalisa ng Hadith at siya ay gumawa ng isang aklat para rito na tinawag na al-‘Elal pagkatapos niyang mabulag. Siya ay namatay sa Tirmidh noong taong 267H/ 881C.E.
Unang Hadith
Isinalaysay ni Umar ibn Al-Khattab (kalugdan nawa siya ng Allah) na: Narinig ko ang Propeta ng Allah na nagsabing:
إنما الأعمال بالنيات، و إنما لكل امرئ ما نوى،فمن كانت هجرته إلى الله و رسوله فهجرته إلى الله و رسوله، فمن كانت هجرته لدنيا يصيبها، أو إلى امرأة ينكحها، فهجرته إلى ما هاجر إليه
In-na-mal ‘a-ma-lu bin-niyyat, wa in-na-ma li-kul-lim ri-im ma nawa, faman ka-nat hij-ra-tuhu ilal-lahi wa rasu-lihi fahij-ra-tuhu ilal-lahi wa rasu-lihi, faman ka-nat hij-ra-tuhu li dun-ya yu-ssi-bu-ha, aw ilam ra-a-tiy yan-ki-hhu-ha, fahij-ra-tuhu ila ma ha-ja-ra ilayhi.
Walang pag-aalinlangan na ang gantimpala ng mga gawain ay nakabase sa intensiyon at ang bawa’t isa ay gagantimpalaan ayon sa kanyang nilalayon. Sinuman ang nangibang bayan para sa Allah at sa Kanyang Propeta, ang kanyang pangingibang-bayan ay para sa Allah at sa Kanyang Propeta. Sinuman ang nangibang-bayan para makamit ang makamundong kasiyahan at benepisyo o dili kaya ay upang makapangasawa ng isang babae, ang kanyang pangingibang-bayan (o gantimpala ng pangingibang-bayan) ay nakabase sa kung ano ang kanyang dahilan ng pangingibang-bayan.
Niyyah = ay maaaring ilarawan bilang, intensiyon, layunin, resolusyon, naisin, punyagi, hangarin, puntirya, pasiya, determinasyon atbp.
= ito ay hindi lamang isang isipin o idea na pumapasok sa ating mga isipan kundi determinasyon, layunin at naising isagawa ang isang bagay. Kung ang isa ay may layuning isagawa ang isang bagay, ito ay nangangahulugan na pagsusumikapan niya itong isagawa pwera na lamang kung mayroong mga bagay na hahadlang sa kanya upang ito ay hindi niya maisagawa at hangga’t hindi niya binabago ang kanyang intensiyon.
Puso at Konsensiya- lugar kung saan naroroon ang niyyah at hindi sa dila o sa salita
Halimbawa: “Sinuman ang hindi nag-intensiyon sa gabi ng Ramadhan nang pag-aayuno, siya ay hindi magkakamit ng gantimpala sa kanyang pag-aayuno”. Kung batid ng isang tao na kinabukasan ay araw ng Ramadhan at batid din niya na siya ay obligadong mag-aayuno sa buwan ng Ramadhan, at ang kanyang intensiyon ay ang mag-ayuno sa susunod na araw, maliwanag na naisagawa niya ng tama ang intensiyon. Kung siya naman aynasa kalagayan nang: “Nais kung mag-ayuno kinabukasan”… subalit wala naman ito sa kanyang puso, maliwanag na hindi niya naisagawa ang intensiyon.
Iba pang mga Salita na katulad ng NIYYAH
A.) Al-Iraada- ito ay tumutukoy sa intensiyon, gusto, layon o pagnanais
B.) Al-Qasd- tumutukoy sa pagkahilig sa isang bagay at pagkagusto dito. Ito ay maaaring gamitin sa kagustuhan ng isang tao sa kanyang sarili at sa kung ano ang gusto niya sa ibang tao.
C.) Al-Azm- ay ang determinasyon ng puso na isagawa ang isang bagay. Ito ay ang pagnanais na maisagawa o makamit ang isang bagay nang walang anumang pag-aatubili o pag-aalinlangan.
Niyyah, Qasd at Iraada - lahat ay nangangahulugan at tumutukoysa kaalaman at pagsasagawa nito. Una, kinakailangan ang pagkakabatid sa isang gawain na nais niyang isagawa. Pagkatapos nito, ang pagsasagawa ay susunod basta’t wala lang bagay na hahadlang upang ito ay maisakatuparan.
Mga Bagay na Magpapakumpleto sa isang Gawain
I. Kaalaman ukol sa gawain
II. Pagnanais na isagawa ito
III. Kakayahan sa pagsasagawa nito
Al-Ikhlas (pagiging tapat at alang-alang lamang sa kaluguran ng Allah)- ay esensiyal at mahalagang parte ng tunay na paniniwala sa kaisahang ng Allah (monoteismo) na itinuro ng mga propeta at mensahero sa kani-kanilang generasyon na nasasakupan.
Ar-Riyaa - pagsasagawa ng mga bagay upang makita at purihin lamang ng mga tao
Tatlong Bagay na Kinakailangan upang ang gawain ay magiging kapaki-pakinabang
I. Pagkakabatid at Pagkatakot sa Allah
II. Malinis na Intensiyon
III. Pagiging tama ng gawain
Ang anumang gawain na hindi isinagawa nang alang-alang sa Allah ay hindi magiging katanggap-tanggap sa Kanya. Kung ang gawainnaman ay isinagawa nang may tapat na layuning kalugdan siya ng Allah at bilang pagsunod sa Kanya, walang pag-aalinlangan na ang gawaing yaon ay gagantimpalaan ng Allah.
Ang anumang gawain na isasagawa na ang layunin ay kalugdan siya ng Allah na ito ay ayon sa Kanyang Shareeah (batas ng Allah), ito ay maituturing na isang uri ng pagsamba.
Halimbawa:
Kung ang isang tao ay nagtungo sa Masjid at sumama sa Salah na ang layunin ay kalugdan siya ng Allah, upang matamo ang Kanyang kaluguran at dahil sa takot niya sa kaparusahan ng Allah, siya ay maaaring gantimpalaan hanggang 700 ulit o higit pa sa gawaing yaon na may tamang intensiyon.
Halimbawa:
Ang isang tao ay maaari ring magtungo sa Masjid nang mayroong napakaraming intensiyon- ang mga ito ay katanggap-tanggap na mga layunin na mayroon lamang iisang adhikain- ang malugod sa kanya ang Allah. Maaari siyang magtungo sa Masjid upang magdasal kasama ng kongregasyon, upang mapabuti ang kalidad ng kanyang pagdarasal, upang maging mabuting halimbawa sa iba, upang suportahan ang Masjid, at upang makasalamuha ang kanyang mga kapatid na Muslim upang mapalakas at mapagtibay ang kanilang pagkakapatiran. Kaya naman, ang kanyang gawain na pagtungo sa Masjid ay talaga namang kalulugdan ng Allah dahil sa mga nabanggit na mga layunin niya.
Halimbawa:
Kung siya naman ay nagtungo at nagdasal sa Masjid dahil ito ay batid niyang kanyang obligasyon at isinagawa niya ito nang may katamaran at hindi masyadong nagnais na kalugdan siya ng Allah, siya ay gagantimpalaan ayon sa kanyang nilalayon. Kung siya naman ay nagtungo roon para lamang lokohin ang mga tao at magkunwaring tunay siyang relihiyoso at mabuting tao, siya ay walang pasubaling parurusahan ng matindi dahil sa kanyang pagpapakitang tao.
Mubaah – ito ay uri ng gawain na walang anumang kaparusahan o gantimpalang makakamit mula sa Allah. Kung ang gawain ito ay hindi naisagawa, ang taong ito ay hindi gagantimpalaan o paparusahan ng Allah.
Ang isang pinapahintulutang gawain ay maaaring gantimpalaan ng Allah kung ito ay isasagawa ng isang tao dahil sa pagkakabatid niya na ito ay pinapahintulutan at isang paraan upang mapalapit sa Allah. Ang pagsasagawa ng mga responsibilidad dito sa mundong ibabaw sa pamamagitan ng legal at pinahintulong pamamaraan ay isa ring mapagkukunan ng gantimpala mula sa Allah.
Halimbawa:
Kung ang isang tao ay kumain na may layuning maging malakas upang maisagawa ang kanyang mga obligasyon sa Kanya, siya ay gagantimpalaan ng Allah sa gawain niyang iyon.
Halimbawa:
Kahit na ang pakikipagtalik sa isang asawa ay maaari ring maging isang gawaing pagkamasunurin sa Allah kung ito ay isasagawa nang may paglalayong mapunuan ang karapatan ng kanyang asawa at tratuhin siya sa pamamaraan na ipinag-utos sa kanya ng Allah bilang pagtrato sa kanyang asawa: o ito ay isinagawa upang magkaroon nang isang mabuti at relihiyosong anak; o ito ay isinagawa upang punuan ang kanyang pangangailangang sekswal o nang kanyang asawa at upang mailayo nila ang kanilang mga sarili mula sa mga gawaing ipinagbabawal o tumingin sa mga gawaing ipinagbabawal.
Ang bawat tao ay may kakayahang ilarawan ang kanyang intensiyon, idirekta ito at gawing dalisay ang kanyang sarili nakatulad din ng kanyang kakayahang ibaling ang kanyang intensiyon palayo sa mga bagay na hindi karapat-dapat na isagawa. Ito ay sakadahilanang, tayo ay pinagkalooban ng Allah ng katalinuhan at nang kalayaang pumili at magpasya. Maliwanag na ipinakita sa atin ng Allah ang landas ng kabutihan.
Ang isang tao ay kinakailangang magkaroon muna ng intensiyon bago ang paggawa, na kinakailangang ito ay tama. Hindi siya maaaring magkaroon ng intensiyon hanggat hindi niya nababatid kung ang isang gawain ba ay tama at pinapahintulutan. Ang kanyang intensiyon ay kinapapalooban ng kanyang pagkakaunawa ng gawaing iyon, kung ito ba ay maaari o ipinagbabawal. Kung wala siyang pakialam kung ito ba ay okey o hindi, maliwanag na isinagawa niya ang kanyang intensiyon nang walang pag-iingat.
Ang intensiyon ng isang tao ang siyang magpapasya ng gantimpala para sa gawaing nagawa kahit na ang naging resulta ay hindi ang gusto niyang mangyari.
Tamang Intensiyon – ito ang isa sa pinakamataas na anyo at uri ng pagsamba. Ang intensiyon sa likod ng isang gawain ay isang bagay na ang Allah lamang at ang taong nag-intensiyon ang nakakaalam. Ito ay isang pribadong kaalaman sa pagitan ng taong yaon at nang Allah. Ka
An-Niyyah & al-Ikhlas- ay ang mga susi sa lahat ng mga bagay kung saan ang pagkakalikha ay umiikot at nakapaloob. Ito dapat ang maging layunin at adhikain ng bawat tao, wala nang iba pa.
Hinihiling ng Allah sa Kanyang mga nilikha na dalisayin ang kani-kanilang mga puso. Kahit pa sabihing ang kadalisayang ito ay makikita sa mga gawa, ito ay ang kadalisayan na resulta ng intensiyon na susi upang kalugdan ng Allah ang isang gawain. Nilikha ng Allah ang buhay at kamatayan upang subukin ang sangkatauhan kung sino sa kanila ang magiging pinakamagaling sa kanilang mga gawain. Hindi Niya nilikha ang sangkatauhan upang subukin kung sino ang may pinakamaraming nagawa na mahina naman ang kalidad ng pagkakagawa. Kung ang isang gawain ay tapat at dalisay subalit hindi naman ito tama, ito ay hindi magiging katanggap-tanggap sa Allah. Kung ito naman ay tama subalit hindinaman dalisay, hindi rin ito tatanggapin mula sa kanya.Kinakailangang ito ay tapat, dalisay at tama. Ito ay magiging tapat at dalisay kung para lamang sa kaluguran ng Allah at magiging tama kung ito ay ayon sa Sunnah ng Propeta.
Ang intensiyon ay ang susi sa walang-hanggang paninirahan sa Paraiso o sa Impiyernong-Apoy. Ang iba ay nagtatanong: “Bakit parurusahan magpakailanman ang mga walang pananampalataya sa Impiyernong-Apoy gayong hindi naman nila sinuway ang Allah nang wala ring hanggan? Ganundin naman, bakit gagantimpalaan magpakailanman ang mga mananampalataya sa Paraiso gayung naging masunurin lamang naman sila sa Allah ng kakaunting panahon? Ang sagot dito ay: “Minithi nang mga walang pananampalataya na suwayin ang Utos ng Allah magpakailanman at minithi naman ng mga may pananampalataya na sundin ang Allah magpakailanman. Batid ng Allah ang mga intensiyon ng bawat nilalang at kung ano ang nasa sa kanilang mga puso kahit na maitago pa nila ito sa harapan ng ibang mga tao. Ito ay bahagi ng mga gawain ng isang tao na itatanghal sa Araw ng Paghuhukom.
Dito sa mundong ibabaw, ang gawain ay ibinabase sa panlabas nitong kaanyuan. Sa kadahilanang walang sinumang tao ang nakababatid kung ano ang nasa sa puso ng isang tao, ang isang tao at ang kanyang gawain ay dapat na paniwalaan kung ano ang nakikita sa kanya. Kung ipinapakita niya na siya ay isang Muslim, kinakailangang tratuhin siya bilang isang Muslim at bahala na ang Allah na siya ay hukuman, maliban na lamang kung lantaran siyang nagsasagawa ng mga bagay na magpapawalang-bisa ng kanyang pagiging Muslim. Magkaganunpaman, sa kabilang-buhay, ang kriterya ay kakaiba at walang sinuman ang magagawang lukohin o dayain ang Allah.
Kinakailangan ng isang Muslim sa abot nang kanyang makakaya na maging maingat sa lahat ng mga gawain na kanyang isasagawa. Hindi siya dapat na maging katulad ng ibang nilikha na ang gawain ay nakagawian katulad ng hindi pag-iisip bago isagawa ang isang bagay. Kinakailangang isaalang-alang niya kung ano at bakit niya isinasagawa ang lahat ng kanyang mga ginagawa.
Dalawang mahalagang bahagi ng gawain:
I. Ang gawain mismo
II. Motibo o ang intensiyon sa likod nito
Ang dalawang ito ay dapat na tama at wasto. Hindi sapat nadalisay lamang ang motibo subalit ang gawain naman ay hindi tama at wasto.
Makakamit ng isang tao kung ano ang kanyang ninais at inintensiyon. Kung ninais ng isang tao ang kabutihan, mabuti ang kanyang makakamtan. Kung ninais naman niya ang kasamaan, makakamit naman niya ang masamang resulta.
Kahit na ang isang magandang gawain na pangingibang-bayan, na dapat ay gagawin para lamang sa kaluguran ng Allah, ay maaaring isagawa ng mas may mababang uri ng intensiyon. Sa ganitong pangyayari, makakamit lamang niya kung ano ang kanyang ninais.
Ang mundong ating ginagalawan at ang kasalungat niyang kasarian (lalaki sa babae; babae sa lalaki) ay dalawang aspeto na magsusulong sa isang tao upang isagawa ang ilang mga gawain. Ang mga ito ay may napakalaking impluwensiya sa isang tao, na magkaminsan pa nga ay umabot pa sa pagsasagawa nila ng mga gawain hindi upang kalugdan ng Allah kundi para kalugdan nila sila.
Hijrah- iwanan o iwasan ang isang bagay at lumayo sa isang bagay patungo sa ibang bagay
Ang layunin ng Hijrah ay upang lumayo sa isang lugar patungo sa isang lugar kung saan ay mas madali niyang maisasagawa at maisasabuhay ang kanyang pananampalataya.
Uri ng Hijrah:
I. Pagsasagawa ng Hijrah mula sa lupain ng Kufr (walang paniniwala) patungo sa lugar ng Islam
ii. Pagsasagawa ng Hijrah mula sa mga lupain ng Bid’ah (pagka-erehe at inobasyon) sa relihiyon. Kung ang isang tao ay walang kakayahan upang baguhin ang kanilang ginagawa, siya ay kinakailangang lumisan sa lupaing yaon.
iii. Pagsasagawa ng Hijrah mula sa lupaing nadodominahan ng mga Haram (mga ipinagbabawal na mga gawain) patungo sa lupaing hindi masyadong nasasakop ng Haram. Obligasyon ng isang Muslim ang hanapin ang mga ipinapahintulot na mga gawain at manatiling dalisay sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay.
iv. Pagsasagawa ng Hijrah mulasa lupaing makasasakit sakanya. Kung magagawa ng isang tao na makatakas mula sa pahirap ng katawan upang magawa niyang sambahin ang Allah sa pinakamaayos na pamamaraan ng pagsamba, ito ay maituturing na isang gawain nang pagsamba.
v. Pagsasagawa ng Hijrah mula sa lupain sa pangambang magkaroon ng sakit at karamdaman.
vi. Pagsasagawa ng Hijrah sa pangambang panganib para sa kanyang mga ari-arian at kayamanan. Ang paglisan saisang lugar patungo sa isa sa takot na ang kanyang mga ari-arian ay sapilitang kompiskahin ay pinapahintulutan. Kung hindi naman, maging mapasensiya siya.
Pangalawang Hadith
Isinalaysay ni An-Nawwas Ibn Sam’aan (kalugdan nawa siya ng Allah) na: Narinig ko ang Propeta ng Allah na nagsabing:
ألبر حسن الخلق والإ ثم ما حاك في نفسك و كرهت أن يطلع عليه الناس
Al-Bir-ru hhus-nul khu-luq wal ith-mu maa hha-ka fee naf-sika wa ka-rih-ta ay-yat’-t’ali-‘a ‘a-lay-hin naas
Ang pagiging matuwid o makatarungan ay isang magandang karakter at kaasalan (para sa isang tao) at ang kasalanan naman ay kung ano ang gumugulo at gumagambala sa iyo na ayaw mong mabatid at malaman ng mga tao. (Nilikom ni Muslim)
Ang Tagapagsalaysay:
Si An-Nawwaas ibn Sam’aan ay isang kilalang Sahaabe o kasamahan ng Propetar mula sa tribu ng Kallaab na nanirahan saSyria pagkamatay ng Propetar
Ang Tagapaglikom
Muslim ibn al-Hajjaj Al Qushayre ang buong pangalan niImam Muslim. Natipon niya ang may 9,200 na mga Hadith sa isang aklat na tinawag niyang al-Musnad as-Saheeh, na ngayon ay tinatawag na Saheeh Muslim. Ito ay naisalin sa English ni Abdul-Hamid Siddiqui at nalathala sa apat na aklat sa Pakistan, taong 1976. Ito ay 2nd kay Al-Bukharee.
Ang Pangkalahatang Kahulugan ng Hadeeth
Ang Hadeeth na ito ng Propetar ay nagtuturo sa atin na ang mabuting karakter at kaasalan (matapat, magalang, makatotohanan, atbp) ay ang pinaka-importanteng bahagi ng Islam na tinatawag na “Righteousness” (pagiging matuwid at makatarungan). Nangangahulugan ito na hindi maaari na matawag ang isang tao na tunay na mabuti at makatarungan kung siya ay may masamang karakter o kaasalan. Karamihan sa mga tao ay nag-aakala na ang pagiging mabuti at matuwid ay ang pagsasagawa lamang ng mga relihiyosong gawain tulad ng Salaah at pagbibigay ng Zakaah. Subalit dapat nating mabatid na ang mga gawaing ito ay upang maitatag ang pagkakaroon ng mabuting pag-uugali. Sinabi ng Allahsa Surah Al-Ankaboot 29: 45: “Walang pag-aalinlangan na ang Salaah ay humahadlang sa (pagsasabi at pagsasagawa ng mga) masasamang salita at masasamang mga gawain.” Sinabi ng Propeta Muhammadr: “Walang pag-aalinlangan na ako ay isinugo upang hustuhin at ganapin ang pinakamarangal at kapuri-puring katangian ng pag-uugali” Sinabi ng Allah saSurah Al-Qalam 68:4: “Katotohanan na ikaw (Muhammad) ay nagtataglay ng napakarangal at kapuri-puring pag-uugali.”
At nang tanungin ang asawa ng Propetar na si Aa’eshah (kalugdan nawa siya ng Allah) tungkol sa karakter at pag-uugali ng Propetar, siya ay sumagot: “Ang kanyangr pag-uugali ay kung ano ang nakasaad sa Qur’aan”, nangangahulugan ito na ang pag-uugali ng Propetar ay naaayon sa kautusan at batas ng Allah na nakasaad sa Banal na Qur’an.
Samakatuwid, kung ninanais na ma-develop ang mahusay na pag-uugali, dapat na sundin ang Qur’aan at ang mga kautusan ng Propetar. Sinabi ng Allah sa Surah 33:21: “Katotohanan na sa Mensahero ng Allah ay mayroong mabuting halimbawa (nang pag-uugali)…
Kaya naman hindi natin maaaring ihiwalay mula sa Islam ang pagkakaroon ng mabuting asal at pag-uugali. Itinuturo ng Islam sasangkatauhan kung papaano mamumuhay ng isang mabuti, matuwid at makatarungang uri ng pamumuhay sa pamamagitan ng pagtuturo nang tamang pamamaraan ng pamumuhay. Sinumang Muslim na magpakita ng masamang pag-uugali katulad ng pagsisinungaling ay maaaring isang ipokrito na nagkukunwaring isang Muslim o dili kaya naman isang mahinang Muslim, na sa kaalaman at paniniwala ay salat.
Itinuturo ng Islam na ang tamang pagrespeto sa mga magulang at sa mga nakatatanda ay isang napakahalagang bahagi ng mabuting pag-uugali. Sinabi ng Allaah: “Ipinag-uutos nang inyong Rabbna Siya lamang ang inyong sasambahin, maging mabuti at magalangin sa inyong mga magulang. Kung sila o isa man sakanila ang inabot ng edad ng katandaan (sa piling ninyo), huwag silang pagsalitaan nang anumang kalapastangan o itulak sila (palayo sa inyo). Bagkus ay pakitunguhan sila sapinakamabuting pakikitungo.” Surah Al-Isra 17:23
Sinabi rin ng Propetar: “Sinuman ang hindi mabuti (ang pakikitungo) sa ating mga kabataan at magalang sa matatanda natin ay hindi kabilang sa atin”. Kaya nga, hindi maituturing na isang mabuting Muslim ang isang tao hangga’t hindi niya tinatrato ang kanyang mga magulang at ang mga nakatatanda nang may pagsunod at paggalang sa kanila, at sa pakikipag-usap sa kanila ng may kabutihan at kahinahunan.
Ang naturang Hadeeth ay nagtuturo din na tayo ay pinagkalooban ng paraan o daan upang mabatid natin kung kabutihan ba o kasamaan ang nasa sa ating mga kalooban. Nilikha tayo ng Allaahna kasa-kasama natin ang ganitong uri ng pagkakaunawa at pagkakadama. Sinabi ng Allaah sa Surah Ash-Shams 91:8“Pinagkalooban Niya (Allaah) ito (konsensiya at kaluluwa) ng inspirasyon upang mabatid ang kasalanan at ang awa, habag at debosyon.”
Kung may mga kaiga-igayang bagay sa ating paningin at wala naman tayong duda sa ating mga puso na ito ay masama, maituturing natin ito bilang mabuti. Ito ay hangga’t hinditumataliwas sa alinmang batas ng Islam. Subalit kung ito naman ay nagdudulot sa ating mga puso at kalooban ng pagdududa at ni ayaw nating malaman ng ibang tao na ito ay ating iniisip o naisip, kinakailangang iwasan natin ang mga ito dahil ito ay masama.
Sa isang pagtitipon at okasyon, isang lalaki ang nagtungo sa Propetar upang itanong sa kanya ang tungkol sa kabutihan at sinabi ng Propeta sa kanya: “Tanungin mo ang iyong puso”. Ang nais iparating sa atin ng Propetar ay kung pakikinggan natin ang ating mga puso, tayo ay magagabayan patungo sa katotohanan at tagumpay. Masasabi natin na ang pinakapunto ng Hadeeth na ang lahat ng mga tunay na Muslim ay kinakailangang nagtataglay ng katangiang mabuti at kapuri-puri. Isa pa, ang lahat ng mga tao ay may kakayahang maging mabuti at matuwid kung sila ay magiging makatotohanan lamang sa kani-kanilang mga sarili.
Mga Aral
i. Pilitin nating maitatag sa ating mga sarili ang mabuting pag-uugali
ii. Ang Pagkakaroon ng mabuting pag-uugali ay kabilang sa pinakamabuting anyo ng pagiging matuwid at makatarungan
iii. Dapat nating iwasan ang mga bagay na kaduda-duda ang pagiging tama at mabuti
iv. Dapat nating pakinggan ang ating mga puso.
Pangatlong Hadith
Isinalaysay ni Abu Hurayrah (kalugdan nawa siya ng Allah) na: Narinig ko ang Propeta ng Allah na nagsabing:
” إيـاكم والـظـن فـإن الـظـن أكـذب الحـديث “
Iy-ya-kum wadth-dthan-na fa-in-nadth dthan-na ak-dha-bul hha-dith
“ Mag-ingat sa paghihinala, sa kadahilanang ito ang pinakamapangligaw na uri ng konbersasyon o salitaan (Nilikom nina Bukhari at Muslim)
Ang Tagapagsalaysay:
Ang tunay na pangalan ni Abu Hurayrah ay Abdur-Rahman ibn Sakr. Siya ay isinilang sa Yemen, subalit naglakbay patungo sa Madeenah upang yakapin ang Islam mula sa Propeta Muhammadrmismo. Siya ay binansagan ng Propetar ng palayaw na Abu Hurayrah, dahil sa siya ay mahilig magkarga ng kuting sa kanyang mga braso. Ang ibig sabihin ng Hirrah ay pusa at Hurayrahnaman para sa mga kuting, samantalang ang Abu naman ay nangangahulugan ng “ama ni o ng” o “nagmamay-ari ng”. Kaya naman ang literal na kahulugan ng Abu Hurayrah ay nagmamay-ari ng kuting.
Naisalaysay ni Abu Hurayrah (kalugdan nawa siya ng Allaah) ang 1,236 na mga Hadeeth mula sa Propetar, na higit kaninumang kasamahan ng Propetar. Siya ay namatay sa Madinah at inilibing doon noong taong 59 A.H. o 679 C.E. sa edad na 78.
Ang Tagapaglikom
Muhammad ibn Ismail ang pangalan ni Al-Bukharee na isinilang noong 810 C.E. Siya ay tinawag na Bukharee sa kadahilanang siya ay isinilang sa Lungsod ng Bukhaaraa, na ngayon ay bahagi ng Uzbekistan sa Russia. Si Bukharee ay naglakbay sa iba’t ibang lugar ng mga Muslim sa pangongolekta ng mga Hadith at pagkatapos ay binuo niya ang kanyang bantog na koleksiyon ng mga Hadith na tinatawag na Al-Jaami’ al-Musnad as-Saheeh na ngayon ay kilala bilang Saheeh al-Bukharee. Ito ay naglalaman ng 2,602 mga Hadith na pinili niya mula sa ilang libong Hadith na kanyang namemorya. Siya ay namatay saSamarkand, Uzbekistan sa taong 870 C.E. sa edad na 60 taon. Ang Saheeh al-Bukharee ay itinuturing ng mga Muslim scholars bilang pinaka-awtentibong aklat ng Islam pagkatapos ng Banal na Qur’an. Ito ay naisalin sa English ni Muhammad Muhsin Khan at inilathala ng Islamikong Unibersidad sa Madeenah noong taong 1976.
Ang kasaysayan ng kay Imam Muslim ay matatagpuan saikalawang hadith.
Ang Pangkalahatang Kahulugan ng Hadeeth
Sa Banal na Qur’aan, binalangkas ng Allaah para sa mga Muslim ang pangkalahatang batayan na may kaugnayan sa paghihinala. Sinabi ng Allaah sa Surah al-Hujurat, 49:12:
“Iwasan ang sobrang paghihinala, dahil ang ilang uri nito ay kasalanan”
Ang paghihinala na nakabase sa maliwanag na ebidensiya ay natural at pinapahintulutan. Bilang halimbawa, kung mayroong nawalang bagay sa bag ng isang estudyante at nabatid na may isang estudyante na naiwang mag-isa doon sa silid-aralan, natural lamang na siya ang pagsususpetsahan. Subalit kinakailangang iwasan ang sobrang paghihinala. Ang isang tunay na Muslim ay hindi naghihinala ng sobra. Hindi niya aakusahan ang lahat ng mga nakapaligid sa kanya na siyang may sala hanggat sa mapatunayang wala ngang pagkakasala. Ang ganitong uri ng kalabisan ay nag-aakay tungo sa kurapsiyon at walang katarungan. Magkaminsan naang isang tao na labis-labis kung maghinala ay malayang magpapahayag ng kanyang damdamin o opinyon tungkol sa ibang tao sa pamamagitan ng pag-aakusa sa kanila kahit na wala o kukonti lamang ang ebidensiya niya. At dahil dito, siya ay nahulogsa isang napakatinding uri ng kasalanan nang paninirang-puri.
Kinumpirma ng Propetar sa Hadeeth na ito ang babala nang Allaah na iwasan ang sobra at masyadong paghihinala sa pamamagitan ng pagsasabi sa atin na maging maingat sa pakikitungo sa paghihinala, maliit man ito o malaki. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya kung bakit kinakailangang pag-ibayuhin ang pag-iingat ukol dito. Kapag ang paghihinala ay pinag-usapan, ito ang nagiging pinakamapanlinlangna uri ng salitaan. Ito ay lumilinlang sa nagsasabi nito, ganundin sa mga tagapakinig nito, dahil ito ay kalimitang posibleng may katotohanan. Ang isa na siyang naghinala ay hindi nakakaramdam na siya ay nagsisinungaling dahil sa siya, ayon sa kanyang pagkakaunawa, ay nagpapahayag lamang ng kanyang damdamin. Dinidebelop naman nito ang suspetsa sa isa na nakarinig nito. At pagkatapos ay ipapasa naman niya ito sa iba, at ang iba naman sa iba. At sa ganitong paraan ang tsismis ay nabuo at kumalat.
Hangga’t ang paghihinala ay nasa sa isip lamang, ang nagtataglay nito ay hindi mananagot sa Allaah. Sinabi ng Propetar sa isang Hadeeth: “Hindi papansinin nang Allaah ang mga masasamang isipin ng mga Muslim hanggat hindi niya ito isinasagawa o sinasabi ito sa iba”. Samakatuwid, ang isang mapanghinalang tao ay mananagot lamang sa kanyang paghihinala kapag ito ay kanyang isinagawa, sinalita man niya ito o ginawa.
Mariing kinamumuhian ng Islaam ang paghihinala. Ang paninirang-puri, backbiting at mga tsismis ay mabubuo at lalago kungnandoon ang paghihinala o pagsususpetsa. Ito ay kung halimbawa na ikaw ay naghihinala sa isang tao at mayroon kang narinig na masamang istorya tungkol sa kanya, ito ay madali mong paniniwalaan kumpara sa kung ikaw ay walang masamang hinala sa kanya. Kaya naman, dahil ang hinala ay isa sa siyang pinag-uugatan ng ilang masasamang pag-uugali ng tao, mahigpit itong ipinagbabawal sa pananampalatayang Islaam, kahit pa nga ang mag-isip lamang nito ay mahigpit na pinaiiwasan sa atin.
Upang masugpo ang paglago at pagdebelop ng paghihinala, sinabi ng Propetar: “Kapag mayroong tatlong taong magkakasama, ang dalawa ay hindi dapat na mag-usap ng sekreto sa kanilang dalawa lamang na ang isa ay ini-itsapwera.” Ang tao na hindi isinasali sa usapan ay magkakaroon ng paghihinala na siya ang kanilang pinag-uusapan. Ang ganitong uri ng paghihinala ay may kaibahan sa nabanggit kanina, subalit sila ay parehong nagtataglay ng masamang isipin tungkol sa mga tao, na hindi mabuti.
Itong pangatlong Hadeeth ay simula pa lamang ng mas mahabang Hadeeth, kung saan ipinagpatuloy na sinabi ng Propetar: “At iwasan ang masyadong pagkamausisa tungkol sa isa’t-isa, o mag-espiya sa isa’t-isa. Iwasan ang pagka-inggit, di-pagkagusto, pagkamuhi o pagkagalit sa isa”t-isa. Bagkus ay maging magkapatid sa isa’t-isa at magkasamang maging mabuting alipin ng Allaah.”Itong natirang parte o bahagi ng salaysay ng Propetar ay naglalarawan ng napakaraming masamang epekto ng hinala sa kapatirang Islamiko. Kaya tinapos ng Propetarang kanyang pananalita sa pag-imbita sa atin patungo sa pagkakapatiran ng mga mananampalataya kung saan sinabi ng Allaah sa Surah Al-Hujurah 49:10 : “Walang pag-aalinlangan na ang mga mananampalataya ay isang kapatiran kaya pagbatiin ang dalawang (nagtatalong) kapatid.”
Ang pinakadelikadong panganib na dulot ng hinala o suspetsa ay ang pag-akay nito tungo sa pagkasira at pagkawasak ng isang mabuting pagkakaibigan, pagkakapatiran at nang komunidad. Ang pagtitiwala ay sinira nang hinala. At kung walang tiwala, hindi magkakaroon ng pagkakaibigan at pagkakapatiran. Kaya tayong mga Muslim ay mahigpit na pinagbibilinan na magkaroon ng tiwala sa ating mga kapatid sa pananampalataya. Dapat nating isipin ang kabutihan ng iba hanggat hindi napapatunayan ang kabaligtaran nito sa kanila. Sa ganitong paraan, ang isang simpleng di-pagkakaunawan ay hindi magiging basehan ng pagkamuhi, pagkagalit at pagkasira ng isang magandang relasyon sa isat-isa.
Mga Aral
I. Iwasan ang paghihinala sa lahat ng pagkakataon
II. Ang paghihinala ang siyang basehan ng mga tsismis, sabi-sabi, paninirang-puri, backbiting na mahigpit na ipinagbabawal sa Islaam.
III. Ang Islaam ay nagbibigay halaga sa pagpoprotekta sa Komunidad ng mga Mananampalataya (Muslim) mula sa mga gawain na maaaring sumira dito.
IV. Ang isang katangian na nais ng Propetar na sumibol at lumago para sa mga Muslim sa Hadeeth na ito ay ang pagtitiwala sa isa’t-isa at ang pag-iwas sa paghihinala at pagsususpetsa sa iba.
0 comments:
Post a Comment